ARAL Tutors na Lalampas sa 6-Oras na Teaching Load, Makatatanggap ng Overload Pay
Ito ay alinsunod sa Section 13 ng Republic Act No. 12028, o ang ARAL Program Act, na nagsasaad na dapat mabigyan ng kompensasyon ang mga gurong magsisilbing ARAL tutors, alinsunod sa Magna Carta for Public School Teachers at sa umiiral na mga patakaran ng DepEd at Department of Budget and Management. Gayunman, kailangan munang makumpleto ng guro ang itinakdang anim na oras ng actual classroom teaching bago maging kuwalipikado sa nasabing bayad.
Hindi awtomatiko ang overload pay sa lahat ng ARAL tutors
Nilinaw ng DepEd na hindi lahat ng gurong magtuturo sa ARAL Program ay awtomatikong makatatanggap ng karagdagang bayad. Ang teaching overload pay ay ibibigay lamang kapag ang ARAL tutoring duties ay naging dahilan upang lumampas sa anim na oras ang kabuuang actual teaching load ng guro sa isang araw.
Halimbawa, kung ang isang guro ay may limang oras na regular teaching load at nagturo ng isang oras sa ARAL Program, magiging anim na oras lamang ang kanyang kabuuang teaching load. Dahil hindi ito lumampas sa anim na oras, hindi pa ito maituturing na teaching overload.
Samantala, kung nakumpleto na ng guro ang anim na oras na regular teaching load at nagturo pa siya ng isang oras sa ARAL Program, ang karagdagang isang oras ay maaari nang bayaran bilang teaching overload, alinsunod sa mga itinakdang patakaran at dokumentaryong kinakailangan.
Hanggang dalawang oras lamang ang maaaring bayaran
Sa ilalim ng Republic Act No. 12028, ang bayad para sa teaching overload ay hindi maaaring lumampas sa katumbas ng dalawang oras bawat araw. Ang halaga nito ay ibabatay sa Prime Hourly Teaching Rate o PHTR, alinsunod sa DBM guidelines.
Nilinaw din ng DepEd na hindi dapat pilitin ang isang guro na magsilbing ARAL tutor kung magreresulta ito sa higit sa pinahihintulutang dalawang oras na teaching overload bawat araw. Ang paglahok ng DepEd teaching personnel bilang ARAL tutors ay dapat sumunod sa umiiral na workload policies at hindi dapat maging sapilitan.
Maaaring isama ang ARAL sa regular teaching load
Ang oras na ginugol sa aktuwal na ARAL tutorial session ay ituturing na bahagi ng teaching load ng guro. Dahil dito, maaaring unahing italaga bilang ARAL tutors ang mga gurong mayroon pang mas mababa sa anim na oras na regular teaching load. Sa ganitong sitwasyon, ang ARAL session ay makatutulong upang mabuo ang kanilang anim na oras na teaching load ngunit hindi pa ito magiging overload pay.
Para naman sa ARAL services na isinasagawa tuwing weekends, holidays at long vacation periods, kabilang ang summer break, ang maaaring ipagkaloob sa mga guro ay Vacation Service Credits, alinsunod sa umiiral na DepEd guidelines. Sa kasalukuyang patakaran, ang isang oras ng serbisyong isinagawa ay katumbas ng 1.5 oras na Vacation Service Credit.
Sa kabuuan, malinaw na ang pagtuturo sa ARAL Program ay hindi basta karagdagang trabahong walang kapalit. Kapag ang aktuwal na tutorial duties ng guro ay lumampas na sa itinakdang anim na oras na teaching load, nararapat siyang mabigyan ng Teaching Overload Pay, hanggang sa maximum na dalawang oras bawat araw at alinsunod sa mga kaukulang DepEd at DBM guidelines.
Reviewed by Teachers Click
on
August 01, 2026
Rating: 5

No comments: